Mga Pahina

Panimula / Kaligiran

            Sa panahon ngayon, hindi na natin maikakaila ang mabilis na pagbabago wika. Katunayan, sa halos lahat ng dako, kapuna-puna ang pamamayani ng mga salitang impormal. Ang mga salitang ito ay mga salitang imbento na karaniwang bukambibig ngayon ng mga kabataan. Mga salitang walasa pamantayan at masasabing taliwas sa wikang kinagisnan. Sabi nga nila,”Everything is on the process of Alternation,” lahat ng bagay ay may kakayahang magbago.

            Noong una “jejemon,”ngayon “bekimon.” Tunay ngang daynamiko ang wikang Filipino dahil sa pagsibol ng isa na naming panibagong terminong ginagamit na ng marami─ang “bekimon.” Unang sumikat sa Internet, itinuturing ang mga “bekimon” na bagong mukha ng salitang bakla sa Pilipinas. Mula ito sa salitang kolokyal na “beki” na ngangahulugang bakla, habang ang salitang “mon”ay nanggagaling sa mga nausong “jejemon”, o mga taong mahilig gumamit ng mga “special characters” sa pagtetext. Ang terminong “bekimon” ay nilikha ni Bern Josep Persi, isang aminadong “bekimon” sa sikat na sikat na video sa website na Youtube. Kita sa kaniyang mga video ang paggamit niya ng salitang “bekimon” sa iba’t ibang lugar at pagkakataon. Ito ay ang ebolusyon ng dating “swardspeak” at gay lingo, na matagal nang namamalasak sa lipunang Filipino. 

Mungkahing Titulo o Pangalan ng Gawain

            “Jejemon at Bekimon Balbal na Salita”. Sa panahon ngayon, ang wika ay isa sa mga bagay na mabilis dumami at magbago sa pamamagitan ng modernisasyon. Hindi natin mapipigilan ang pag-usbong ng iba’t ibang salita katulad na lamang ng “jejemon” at “bekimon”. Sinasabi nga nila na walang permanente sa mundo kundi ang pagbabago kaya’t maging ang mga salita na ating ginagamit sa araw-araw ay nagbabago na rin. Ang pagbabago ay parang agos ng tubig na hindi tumitigil. Ganito rin ang mga nalilikhang salita mula sa mga nadidiskubre na bagong kaalaman o mga bagay-bagay.

Rasyunal, Mithiin at Mga Layunin

Napili ng mga magaaral ang nasabing isyu na Jejemon at Bekimon; Balbal na Salita sapagkat sa panahon ngayon ay masyado ng lumalaganap ang mga taong nagamit ng linggwaheng Bekimon at Jejemon na sa tingin nila ay hindi angkop na gamitin o di pormal na gamitin para sa pang araw-araw na buhay. Mahalagang malaman at pag-aralan ang isyung ito sapagkat lahat  tayo ay may sari-sariling wika na ginagamit kaya’t hindi magandang tingnan kung ipagpapatuloy natin na gamitin ang mga salita tulad ng “jejemon” at “bekimon” na hindi angkop sa wikang ginagamit natin. Lahat tayo ay may karapatan na gamitin ang nais nating wika subalit matuto tayong limitahan ang paggamit nito at respetuhin ang iba pang wika. Nagdudulot ito ng kasiyahan ang paggamit ng mga salitang ito sa mga mag-aaral sapagkat ang mga salita nito ay iba sa nakasanayan  nila na wika. Kahit na isa itong paraan ng paglaganap ng kultura at wika, hindi makakailang hindi ito pormal at hindi dapat gamitin sa pormal na mga okasyon. Minsan, kahit na nasa isang pulong o klase ang isang estudyante, hindi nila maiiwasang gumamit ng mga salitang Jejemon o Bekimon. Hindi ito magandang tignan o pakinggan dahil naipapakita lamang na mas nabibigyang pansin at mas inaalala ang mga salitang ito kaysa sa mga salitang mula sa wikang Filipino. Nakakalimutan na ng mga kabataan na bigyang halaga at respeto ang sarili nating wika. 

Mithiin ng konseptong papel na ito na maipakita ang pagkakaiba ng paggamit ng mga di-pormal na salita at pormal na salita. Mitmithi nito ito upang hindi mabalewala ang mga pormal na salita sa pag-usbong ng mga di-pormal na salita dulot na rin ng modernisasyon ng ating mundo. 

Ang layunin ng mga mag-aaral ay maipakita ang mga naidudulot ng paggamit ng wikang “jejemon” at “bekimon” sa kanilang buhay at sa kanilang kapaligiran. Maipahayag sa lahat ang kahalagahan ng wikang kinagisnan natin at hindi ng wikang umusbong lamang. At higit sa lahat ay maipagpatanto na respetuhin ang wikang ipinagkaloob sa bawat isa sa atin. 

Disenyo ng Proyekto: Adbokasiya

            Ang mga lenggwahe ng mga bading gayundin ng mga tambay ay mabilis na naging popular at sumabibig ng masa. Ang katotohanang ito ay hindi na nakakagulat sapagkat mismong ang mga taong lumilikha ng mga imbentong salita ay mabilis din na dumarami.
           
            Paglalarawan ito ng mabilis na pagsulpot ng makabagong ideolohiya na patuloy na nagtutunggali maging sa kasalukuyan kung kaya’t nagiging dahilan ito ng mga nalilitong kabataan na mapasama sa mga makabagong tao ng henerasyon. Sa ganitong kalagayan, mapupuna ang iba’t ibang impluwensiyang nagmumula sa mga nagdadala ng mga bagong ideolohiya tulad ng mga bakla at mga tambay.


            Magkaroon dapat ng disiplina at limitasyon ang mga tao sa paggamit ng mga salitang ito lalo na kung pormal na pag-uusap upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan. Sa paraang ito maiiwasan natin ang hindi pagkakaintindihan ng dalawang tao na nag-uusap gamit ang di-pormal na salita at pormal na salita. Mas mabuti rin na ilagay natin sa tamang lugar ng usapan ang paggamit ng salitang “jejemon”  at “bekimon” upang hindi masamain ng kausap ang mga sinasabi. 

Benepisyo at Inaasahang Resulta

Dahil sa aming adbokasiya, inaasahan namin na marami sa mga tao sa kasalukuyang panahon ang mamumulat sa isyung ito lalo’t higit ang mga mag-aaral. Hindi namin sinasabing walang lugar sa ating lipunan ang wikang ito sapagkat ito’y nabuo lamang dahil sa modernong panahon. Inaasahan namin na magkakaroon ng disiplina ang bawat isa sa paggamit ng wikang ito upang mabigyan ng respeto ang ating sariling wika. Inaasahan namin na sa pagtatapos ng konseptong ito, ay mas maging bukas ang mata ng bawat isa sa dulot ng umuusbong at uusbong pa na mga wika.